Tinatawag nila siyang "Fish Face", dahil ang mga mata niya, bibig at likuran ay Aqua parts. Gayunpaman, Poysenberry ang ipinangalan ng kan'yang ina sa kanya.
Dahil siya ay Plant, at mananatiling Plant kahit anopaman ang kan'yang kasanayan. Siguro kung maayos lang ang hugis ng kanyang bibig, at kung kanyang mga mata ay Papi, ay nasa loobang bahagi na siya ng bakod. Sa breeding area. Kung saan matatagpuan ang mga pure breed na binibili at isinasama ng mga manlalakbay sa kanilang paghahanap.
Ngunit hindi ito ang kaso, si Poysenberry ay hamak na may simpleng buhay lamang. Araw-gabing kumakayod sa kapatagan ng Savannah. Nangongolekta ng matatamis na love potions para sa kanyang amo. Walang pagbabago, tipikal na buhay lang naman ng mga nasa likurang bahagi ng bakod.
Nagluluha na ang mga mata at nalalapnos na ang kanyang likuran dahil sa tirik ng araw, ngunit hindi nagpapatinag si Poysenberry, anuman ang klima, at anumang pagod ang maramdaman, hindi iyon nagiging hadlang sa kanyang pagtatrabaho.
Dahil sa kanyang pa-iinda ay buntot na pala ng isa pang trabahador ang kanyang nahila. Agaran namang sumugod si Woodman, ang pangalan ng trabahador. Huli na ang lahat bago pa nya ma-buga ang leek, dahil naibaon na ang sungay ni Woodman sa kanyang katawan, sinabayan ng beech wood na tumama sa kanyang mukha. Tumalsik at nagpagulong-gulong s’ya sa dalawang magkasunod na atake. Natulala si Poysenberry sa mabilis na pangyayari.
“Tumingin ka nga sa nilalakaran mo, Fish Face!” sigaw ni Woodman.
Dahan-dahan at pagalit na lumapit kay Posenberry si Woodman, dala ang nakakatakot na itsura dahil sa kanyang sugat sa mata, punit sa kanyang tainga, at nanlilisik na mata.
“Hindi ko sinasadya.” sabi ni Poysenberry.
“Ulitin mo pa, makakatikim ka talaga sa’kin.” Pagbabanta ni Woodman.
“Pasensya na…”
Suminga si Woodman at bumalik sa kanyang anihan malapit sa sirang banga ng buhangin.
Nanginginig at nag pagewang-gewang si Poysenberry sa kanyang paglalakad, napasandal sya sa bakod na humihiwalay sa dalawang magkaibang mundo.
Sa kabila, ay nakita niya ang mga pure breed Plants: may naglalaro sa ilalim sikat ng araw, may nagtatampisaw sa batis, at may nagpapaligsahan ng lakas sa pag-uupak at pagkagat sa kalabasa.
Pinagmasdan ni Poysenberry ang mga magagandang axie mula sa likurang bakod, iniisip ang kagandahan ng buhay kapag walang araw-araw na kayod. Naramdaman niyang muli ang hapdi sa kanyang pisngi dulot ng kaninang away, kaya ginamit nya ang naipon nyang energy para i-activate ang rosebud upang pahilumin ang naglalakihang pasa sa kanyang mukha.
Napasulyap, at nagkatitigan sila ng isang Plant, meron itong nakalawit na magagandang rosas sa kanyang tainga, at nakatuhog na maliliit na mushrooms sa kanyang likuran, nangngangalan itong Yaki. Tumagal ang kanilang pagti-titigan, kaya nakaramdam si Poysenberry ng kilig na may halong pagkailang, sabay binigyan sya nito ng isang kindat, na sya namang nagpalakas ng tibok ng puso ni Poysenberry. Dahil sa kilig ay napangiti sya nang malaki, ngunit tumalikod si Yaki, napagtanto na pinandidirian nga pala ang kanyang mala-piranhang bibig. Isa lang naman syang hamak na mutt.
“Ano b’ang iniisip mo?” tanong nya sa sarili. “Isa ka talagang hibang.”, dagdag nito.
Tumalikod at napapailing, nagsisi na ipinakita ang matutulis nyang ngipin.
Napailing at nagsisisi, “Ang kapal naman ng mukha mo para isiping para sayo yung kindat” sambit nito habang pinagmamasdan ang nagkukumpulang patpat, habang naghanap ng SLP pampalibang.
“Baka lasing lang yun sa Love Potion, ugok” anya nito.
Nang nakapag kolekta na sya ng sapat na kailangan, ay narinig nya ang pagkalembang ng kampana, na tanda ng pagtatapos nila sa kanilang pagtatrabaho, at pila-pilang babalik sa kanilang sirang dormitoryo.
Sa pinaka malayo na malaking dampa, sa unahan ng pila, ang kanilang amo ay nangongolekta ng mga na-ani nila ngayong araw. Matangkad ito at mahaba ang bisig, may hawak hawak na sako at maluwag ang suot na para bang malalaglagan ng salawal kapag naglalakad. Huminto siya sa dampa ng mga pure breed at saglit na nagmasid. Nagpunas ng ilong at pumasok na sa kanilang silid.
Isa-isang nililikom, kinu kuwenta, at sinusulat ng manager ang naani ng mga axie sa isang yellow notepad. Habang papalapit si Poysenberry sa kanilang manager, ay sya rin nitong takot at pangamba. Hindi na madali sa panahon ngayon. Mahirap ng anihin ang mga SLP at wala na rin masyadong silbi ito sa pure breeds.
Habang kinu kuwenta ng manager ang nalakip na SLP ni Ebi, isang kapwa Plant axie, ay lalo pang kinabahan si Poysenberry.
“Tatlong araw na puro sablay?”
Nanginig sa takot si Ebi.
“Alam mo ba anong ibig-sabihin nito?”
“Pakiusap” pagmamakaawang saysay ni Ebi. “Pakiusap, ‘wag!” naluluhang sambit nito.
Nanahimik ang lahat nang tumayo ang manager at itinapon ang axie sa dampa. Walang sinuman ang makagalaw at wala ring makapagsalita. At narinig nila ang isang sigaw na agad namang natapos.
Lalo pang kinabahan si Poysenberry, dahil usap-usapan na sinumang axie na itinapon sa dampa ay ginagawang pulutan.
Pagkatapos ng mahabang katahimikan, lumabas ang manager sa dampa, “Walang kwenta…” sambit nito, at ipinagpatuloy ang pangongolekta.
Kinuha nito at binilang ang mga naani ni Poysenberry na mga bote. Habang nagbibilang ay napatingin si Poysenberry sa kabilang bakod, at napansin ang grupo ng mga pure-bred Plants, pang-aasar na nakangisi sa kanya.
Ang amo naman ay walang sabi-sabi na lumipat sa axie na kasunod sa pila, at dun nagtapos ang buong araw na trabaho ni Poysenberry.
Tahimik ang bakanteng higaan sa kanilang silid sa gabing yun. Ilang Plants ang naglagay ng maliliit na bagay tulad ng bato at dahon sa higaan ni Ebi, bilang pag-aalala sa kanya. Kahit si Woodman na isang batak ay nag-alay din ng respeto.
Palalim na ng palalim ang gabi, kanya-kanyang punta sa kani-kanilang higaan ang mga axie para magpahinga. Habang si Poysenberry ay dahan-dahang humiga upang hindi matamaan ang mga sugat sa katawan, ang iba naman ay pabulong na nagkukwentuhan.
“Inatake na naman daw ang mga Aqua sa ilog.”
“Kanino mo naman narinig yan?”
“May isang Bird na nagsabi sakin.”
Ini-angat bahagya ni Poysenberry ang kanyang ulo upang makita ang nagsasalita. Sina Specs, Antenna, at Poo-head, karaniwang grupo ng axie na laging may dalang balita. Isang beses nga ay may isang malaking balita na ang Chimera ay nasa Savannah na naman daw, mas malakas at marami, pero ilan ang nakita? Wala ni isa.
Sabi-sabi rin na may mga Mystic daw na nakatira sa gubat, nangungupit raw ng love potions at tokens, pero yun ay kung di nila pinipinturahan ang carrot tails at hermit shells ng ibang axie at binebenta bilang mga Mystic, para madaling magkapera. Ilan lang ‘yan sa mga katarantaduhang binubulong ng kung sinoman sa kanila.
Napairap at tumalikod na lang si Poysenberry sa walang saysay na usapan.
“Sabi nya may daan raw palabas ng bakod” sabi ni Poo-head, “Ihahatid nya raw ako kung babayaran ko s’ya,” dagdag nito.
“Puro ka kalokohan,” sabi ni Specs.
“Sino’ng puro kalokohan?” sabi ni Poo-head. “Sige, hindi ko nalang sasabihin sayo. Dito ka nalang habambuhay.”
“Pwede bang tumigil na kayo?” sabi ni Antenna, “Gusto kong marinig ang sinasabi n’ya.”
Nanahimik ang grupo. At nagsinghalan sina Poo-head at Specs.
“Magkano raw?” tanong ni Antenna.
Nagdadalawang isip si Poo-head.
“Sige na, sabihin mo na!” dagdag pa ni Antenna.
“Eto na,” sagot ni Poo-head. “Sabi nya pag binigyan ko s’ya ng sapat na SLP kada araw, ihahatid nya raw ako palabas.”
“Ilang SLP?”
“Limang libo.”
Napahalakhak si Antenna at Specs sa narinig.
“Niloloko ka lang non!”
“Limang libo? Para saan? Para makalabas ka at ipakain sa mga mabangis na Beast sa labas?”
“Sa halip na ano?” sabi ni Poo-head “Sa walang tigil na kayod hanggang sa wala nang makayod at gagawin ka ng pulutan?”
Sa usapang iyon ay nakuha nilang muli ang atensyon ni Poysenberry.
“’Di ‘yon totoo,” sabi ni Antenna. “Gagawin tayong trophy dito pag di na tayo napapakinabangan.”
“Iyan! O ibenta sa maliit na halaga sa bidder, “ sabi ni Specs.
“Sa nag-iisang bidder.”
“Narinig kong—“
Bago pa matapos ang usapan, dumating si Woodman at sininghalan sila.
“Pwede ba kayong manahimik?” aniya, “Gusto na naming matulog!”
Ngumisi sila at nagkumpulan. Dahil magkatabi sila ay nawala rin ang takot nila kay Woodman.
“At ano naman ang gagawin mo, matandang halaman?” sabi ni Poo-head. “Sasapakin mo ako gamit yang Beech horn mo? O hahampasin mo gamit yang mga tumpok ng kahoy sa likod mo?”
“Manahimik ka.”
“Manahimik ka,” pangungutya nila at nagsitawanan muli.
Lumakad papalayo si Woodman na may pag-angil. Umalis sa pagkumpol ang grupo at pang-aasar na inilabas ang dila.
“Tanda.”
“Tataya akong susunod na sya sa Trophy room.”
“O baka gagawin syang pulutan?”
Nagtawanan sila.
“Duda akong magiging masarap syang pulutan.”
“Di rin naman maibebenta.”
“Di rin maipamimigay.”
At buong gabi pa silang nagkuwentuhan. Sa kalaunan ay unti-unti ng pahina ng pahina ang kanilang mga sinasabi, hangga’t sa makatulog na si Poysenberry.
Itutuloy...